Noong isang araw, nakausap ko ang isang matalik kong kaibigan. Matagal na kaming hindi nakakapagusap. Malayo kami sa isa't isa, halos isang taon na kaming di nagkikita.
Natural lang na tanungin niya ako: "Kamusta ka na?"
Madalas, napakadaling sabihin na: "Okay lang ako. Ikaw?"
At mapuputol ang pag-uusap. Hindi na masyado nag-uusap ang mga tao ngayon.
Ngunit, naisip ko na napakahalaga ng pagkakataong ito. Sa pagtatanong niya kung kamusta na ako, binibigyan niya ako ng pagkakataong muling makapasok sa buhay niya--muling mabuksan ang ugnayan. Tao sa kapwa tao.
----
"Nawawala ako, naliligaw," ang sabi ko sa kanya.
"Awww, that couldn't possibly be a good thing, what makes you say that?" ang tugon niya.
"Sa totoo lang, sa palagay ko, tamang tama ang kinalalagyan ko ngayon."
Nawawala ako pero okay lang. Kasi sa pagkakataong ito, lahat ng bagay, bago. Wala akong inaasahan kundi ang pagpapatuloy ng lakad ko. Bawat hakbang tungo sa panibagong karanasan. Ngayon masasabi kong tunay ang aking pagdanas.
Nakikita ko ang kagandahan ng kapaligiran. Hindi ako nagmamadali, dinaranas ko ang bawat pagkakataon.
Walang pumipilit sa akin na tumahak ng iisang landas. Gumagawa ako ng aking sariling landas.
Hindi mo ba naaalala ang pakiramdam nang tayo'y bata pa at may nadiskubre tayong bago? Pupungay ang ating mga mata sa bawat tagumpay--nawala na sa atin ang kakayahang mabighani sa mga simpleng bagay.
Nawawala ako, oo. At hindi ko nais na ako'y matagpuan. Hindi ako nawawala para hanapin.
Nawawala ako. At gagamitin ko ang pagkakataong ito upang muling makilala ang aking sarili. Upang mahanap ko ang sarili ko.
Nawawala ako, at mabuti yon.
0 comments:
Post a Comment
Disturbed much?